Biyernes, Marso 3, 2017

Homilia para sa Misa para sa Yumao

Marami marahil sa atin ang natatakot sa kamatayan. Marami rin marahil sa atin ang hindi nakakaalam ng kahulugan ng kamatayan. Marami rin marahil ngayon ay nagtatanong: “Bakit kailangan pang mamatay ang tao?” “Bakit siya pa ang namatay? Marami namang mas karapatdapat na mamatay diyan!” Sa ating pagtitipon ngayon upang ipagdasal ang ating mahal na yumao, pagnilayan natin ang tatlong katotohanan tungkol sa kamatayan.
            Ang kamatayan ay isang hindi maiiwasang katotohanan para sa lahat ng nilalang. Isa itong malaking hiwaga para sa ating mga tao. Mayaman at mahirap, makapangyarihan at mahina, inaapi at nang-aapi, mabuti at masama, lahat ay tiyak na aabot sa kamatayan na Diyos lamang ang nakaaalam kung kailan, paano at saan sasapit. Mga kapatid, nauna lamang ang ating minamahal na yumao. Ngunit natitiyak tayong lahat din tayo ay sasapit sa kasalukuyang estado ng ating minamahal na kapatid. Sa pagpapaalalang ito ng ating yumaong kapatid, tayo nawa ay magsikap ding katulad niya na mabuhay ng may paggalang at pagsamba sa Diyos at may pagmamahal sa ating pamilya at sa ating mga kapwa. Nang dahil sa ating pananampalataya kay Kristo, malaki ang kaugnayan natin sa Kanya. At nang dahil sa kaugnayang ito, tayo’y kaisa Niya hindi lamang sa buhay na ito, kundi lalo na sa buhay na darating pagkatapos ng muling pagkabuhay ng mga yumao. Ang ating kawalan ng alam sa kapalaran ng mga yumao ay hindi natin sukat ikatakot, sapagkat alam nating ang Diyos ay hindi lamang makatarungan, kundi mahabagin din at hindi tumatanggi sa dumudulog sa Kanya nang pagpapakumbaba at may pananalig sa Kanyang dakila at mapagmahal na awa.
            Hindi tinatapos ng kamatayan ang lahat. Sa pagkamatay ng ating yumaong mahal ay natapos na ang kanyang buhay sa lupa. Hindi na niya magagawa ang mga bagay na dati na niyang ginagawa. Hindi na niya rin magagawa ang mga bagay na gusto pa niyang gawin o pinaplano pa niyang gawin sapagkat nagwakas na ang buhay niya sa mundo. Yumao ang kanyang katawan, ngunit patuloy na nabubuhay ang kanyang kaluluwa. Hindi tinatapos ng kamatayan ang ating pag-asa na siya ay kakaawaan ng Diyos at papatawarin sa kanyang mga pagkukulang at kahinaan. Hindi tinatapos ng kamatayan ang ating paggunita at pag-alala sa mabubuting ginawa ng ating yumaong mahal. Hindi tinatapos ng kamatayan ang ating pagmamahal sa kanya. Alam nating si Kristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa Kanya ang kamatayan. Ito ang ating inaasahan, at ito ang kailanman ay hindi maiaalis sa atin ng kamatayan: ang pag-asa sa muling pagkabuhay.
            Higit sa ano pa man, kailangan ng ating mahal na yumao ang dasal. Sa pamamagitan ng ating mga dasal, sakripisyo, alay, at pagkakawanggawa, makatutulong tayo sa mga nauna na sa atin sa kabilang buhay. Ang mga dasal natin ay makatutulong magligtas sa ating yumaong mahal. Sukat tayong maganyak magpatuloy sa pagdarasal, pagpapatungkol ng mga sakripisyo, at lalo na sa pag-aalay ng Eukaristiya para sa mga yumao. Ito lamang ang ating kayang gawin ngunit malaking bagay naman itong talaga para sa ating kapatid na yumao. Nananalig tayong walang sinuman ang dapat mawalan ng pag-asa sa kaligtasan ninuman, kahit na ng mga namatay nang hindi nakatanggap ng mga sakramento at waring hindi nakapagsisi sa kanilang mga kasalanan.Sa ating pag-aalay ng panalangin at ng ating pagdiriwang ng Eukaristiya ngayon, alalahanin natin nang buong pagmamahal at pasasalamat ang ating pumanaw na mahal sa buhay.

            Dahil sa pagkamatay at muling pagkabuhay ng ating Panginoong Jesus, ang kamatayan ay hindi lamang naging katanggap-tanggap, kundi tunay pang naging pagtuloy sa buhay na walang hanggan. Idulog natin sa Panginoon upang Kanyang kahabagan ang kapatid nating namatay kay Kristo. Tanggapin nawa siya ng Panginoon sa kapayapaan ng Kanyang Kaharian.

1 komento: