Linggo, Marso 5, 2017

Homiliya para sa Misa ng Unang Pakikinabang

Batid kong walang ibang laman ang puso ng mga batang ito sa sandaling ito maliban sa kasiyahan at pananabik dahil sa kaunting sandali lamang mula ngayon ay tatanggapin nila sa kauna-unahang pagkakataon ang Banal na Katawan at Dugo ng ating Panginoon sa Komunyon. Gayundin naman, alam kong wala ring pagsidlan ng tuwa at galak ang mga magulang at mga guro ng mga batang ito na silang humubog sa pananampalataya at kabutihang-asal bilang paghahanda sa araw na ito.
            Sa araw na ito, tatanggapin ninyo ang pinakamaganda at pinakadakilang regalo ng Diyos sa inyo. Hindi niyo naman birthday ngayon. Hindi rin naman araw ng Pasko. Pero kayong lahat ay tatanggap ng iisang regalo mula sa Diyos. Hindi lamang ito basta regalo na nabili sa supermarket o sa toy store, kundi ang Diyos mismo ang Siyang magbibigay sa inyo nito. Sa unang pagkakataon sa araw na ito, tatanggapin ninyo si Jesus sa anyo ng tinapay at alak. Sa pagtanggap ninyo sa Katawan at Dugo ni Jesus, ito ay nangangahulugang ang Diyos ay darating at mananahan sa puso ninyo upang kayo ay pagpalain, gabayan at protektahan. At marapat lamang na sa pagbibigay ng Diyos ng Kanyang Anak na si Jesus ay pasalamatan natin Siya sa napakagandang regaling ito na nagdudulot ng kasiyahan at kaligtasan sa ating lahat. Ganoon din, sana ay ingatan at pahalagahan ninyo ang ipinagkakaloob na regalo ng Diyos sa inyo. Huwag ninyong hahayaang mawala ang regaling ito sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan na lubhang ikinalulungkot ni Jesus. Sana sa bawat pagkakataong tatanggapin ninyo ang Katawan at Dugo ng Panginoon, maalala ninyo ang araw na ito kung kailan ipinagkaloob sa inyo ng Diyos ang dakilang regalo ng Kanyang Katawan at Dugo. Alam kong excited na kayo sa pagtanggap sa Katawan at Dugo ni Jesus, pero naniniwala akong mas excited ang ating Panginoon na ibigay ang Kanyang Katawan at Dugo sa inyo bilang dakilang regalo Niya sa inyo simula sa araw na ito.
            Sa araw na ito, kayo ay bubusugin ng Diyos. Oo, lahat tayo ay bubusugin ng Diyos sa sandaling ito. Sino bang gustong magutom sa inyo? Sino naman ang gustong laging busog? Walang taong mabubuhay ng matagal na hindi kumakain at umiinom, hindi ba? Ibig kong sabihin, mahalaga ang pagkain at inumin sa ating pisikal na katawan. Pero tayo ay hindi lamang basta katawan. Tayo rin ay may kaluluwa. Kung ang ating katawan ay nangangailangan ng pagkain at inumin, ganoon rin ang pangangailangan ng ating kaluluwa. At sa araw na ito, tatanggapin ninyo ang pagkain at inuming magbibigay ng buhay sa inyong kaluluwa: ang Katawan at Dugo ng ating Panginoong Jesus. Nagiging bahagi ng ating katawan ang anumang kinakain o iniinom natin. Sabi ng isang kasabihan, “You become what you eat”. Kung mahilig ka sa baboy, sigurado ay nagiging bahagi ito ng iyong katawan sa anyo ng taba sa katawan o kaya naman ay cholesterol sa puso. Paano pa kaya kung ang tinatanggap natin ay ang Katawan at Dugo ni Jesus? Hindi lamang ito nagiging bahagi ng ating katawan, kundi ito rin ay nagiging bahagi ng ating buhay at kaluluwa. Tayo ay nagiging katulad ni Jesus: mabait, mabuti, masunurin, mapagmahal at mapagbigay. Simula sa araw na ito, hayaan ninyong si Jesus ang bumusog sa inyong kaluluwa.
            Ano ang dapat ninyong gawin pagkatapos ng araw na ito? Simula sa araw na ito, gawin ninyong bahagi ng buhay ninyo ang pagtanggap sa Katawan at Dugo ni Jesus. Anyayahan niyo si Jesus na pumasok sa inyong puso. Pasalamatan ninyo ang ating Panginoon sa pagdating Niya sa inyong mga puso. Sabihin ninyo sa Kanya ang inyong mga pangangailangan, ng inyong mga magulang, kamag-anak, mga kaibigan at mga guro. Lagi ninyong tatandaan na sa pagtanggap ninyo sa Katawan at Dugo ng ating Panginoon, dala-dala ninyo si Jesus sa inyong buhay saan man kayo pumunta. At dahil lagi ninyong dala si Jesus sa inyong buhay, sana ay mas maging mabubuti kayong mga bata. Hilingin ninyo sa Panginoon na gawin Niya kayong mabuting mga bata, masipag na mga mag-aaral at masunuring mga anak sa inyong mga magulang. Pagsikapan ninyong hindi ninyo makakaligtaang tanggapin si Jesus sa Banal na Komunyon sa bawat Misang inyong dadaluhan mula sa araw na ito hanggang sa inyong pagtanda.

            At kayo naman mga magulang at mga guro na nakikibahagi sa kagalakan ng pagtitipong ito para sa mga batang ito, nawa’y hindi matapos sa araw na ito ang inyong tungkuling patuloy na akayin ang mga kabataang ito upang higit nilang makilala ang Diyos sa kanilang buhay, upang sila ay lumago sa ating pananampalataya at upang kanila ring maibahagi sa iba ang pagmamahal sa ating Panginoon. Pagpalain nawa ng Diyos ang mga batang ito simula sa araw na ito ng kanilang unang pakikinabang.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento