Linggo, Marso 5, 2017

Homiliya para sa Misa ng mga Magsisitapos sa Kolehiyo

Sa araw na ito, naririto tayong lahat at nagtipon-tipon upang ipagdiwang ang isang malaking pangyayari sa inyong buhay bilang isang mag-aaral. Ito ang araw na inyong pinakahihintay: ang katuparan ng inyong masidhing pangarap na matapos ang inyong puspusang pagpupunyagi at pagsasakripisyo sa pag-aaral. Ito ang araw na inyong pinakahihintay, ang pinakaaasam-asam ninyong lahat: ang magawaran ng kaukulang pagkilala ang inyong pagtitiis, paghihirap at pagsusumikap sa kolehiyo. Sa masayang pagtitipon natin ngayon, lalo na sa mga magsisitapos at sa kanilang mga magulang, kamag-anak at mga kaibigan, nais kong ibahagi ang tatlong mahalagang pagninilay kaugnay ng inyong pagtatapos sa kolehiyo.
            Una sa lahat, huwag kalilimutang magpasalamat sa araw na ito. Gratitude is the memory of the heart sabi nga ng isang kasabihan. Ang pusong mapagpasalamat ay isang pusong hindi marunong makalimot. Mga minamahal na mga magsisitapos, huwag ninyong kalilimutang magpasalamat: sa Diyos na bukal ng karunungan at Siyang unang nagtiwala sa inyong kakayahan. Gayundin sa inyong mga magulang na nangarap na makarating kayo sa sandaling ito. Ang araw na ito ay ang kaganapan ng kanilang pangarap para sa inyo, ang kanilang pangarap na mabigyan kayo ng tamang edukasyon. Mapapalad kayo sapagkat mayroon kayong mga magulang na sumusuporta at handang magsakripisyo para sa inyong kinabukasan. Huwag ninyong kalilimutan sina Ma’am at Sir na tumulong upang hubugin ang inyong pag-iisip, ang inyong puso at ang inyong pananampalataya upang sa darating na panahon ay maging isang kapaki-pakinabang na mamamayan ng ating bayan.  Pinanday ang inyong pagkatao sa loob ng tamang panahon at sa angking-talino ng mga tumayong ikalawang magulang ninyo. Walang katapusang pasasalamat sa inyong mga guro sa kanilang dakilang tungkulin sa inyong mga mag-aaral. Mga magulang at guro na magkatuwang na humubog at gumabay sa inyong wastong asal.  Sa kanilang mahabang panahon na ginugol, kaalamang itinuro at pagtuklas sa inyong talino na kanilang nilinang, nakarating kayo sa espesyal na raw na ito. Ang lahat ng ito na inyong tinatamasa ngayon ay isang malaking tagumpay sa lahat ng mga taong naghirap para sa inyo upang marating ninyo ang araw na ito.
            Pangalawa, ang araw na ito ay ang pagbubukas ninyo ng isang panibagong pahina ng inyong buhay. Nais kong ipabatid sa inyong mga magsisitapos na round one pa lang ito ng tunay na pakikibaka. Kaya nga ito tinawag na “Commencement Exercises” dahil ang araw na ito ay nangangahulugang kayo ay magbubukas ng panibagong pinto, ng panibagong yugto sa inyong buhay. Ang bahaging ito ng inyong buhay-mag-aaral ay pasakalye pa lamang ng inyong mas malaking “silid-aralan” na haharapin: ang totoong buhay.  Inihanda lamang kayo ng inyong mga guro at magulang upang maging matibay, malakas at matatag kayo sa mga darating na pagsubok at hamon sa inyong buhay. Papunta pa lamang kayo sa isang mas mabigat na pakikipagsapalaran. Sa pagkakataong ito, hindi na biro ang inyong haharapin. Maliban pa sa tangan ninyong diploma, ang karunungang inyong tinanggap at nilinang, ang mabuting asal na hinubog sa inyo at ang pananalig sa Maykapal ay ang mga magsisilbing sandata upang mapagtagumpayan ninyo ang mga darating na hamon ng buhay.
            At panghuli, ang higit na mas mahalaga ay kung saan ka pupunta at magiging sino ka pagkatapos ng araw na ito. Alam kong masayang-masaya kayong lahat sa sandaling ito, ngunit batid ko rin na may pangamba sa inyong mga puso kung anong buhay ang inyong haharapin pagkatapos ng picture taking, ng handaan sa inyong mga bahay at pagkatapos na isabit ang inyong diploma sa dingding. Kapag alam niyo na kung saan kayo pupunta, kumilos kayo nang ayon sa daang nais ninyong tahakin. Huwag kayong matakot mabigo. Huwag kayong matakot madapa. Huwag kayong padadala sa dikta ng mundo. Tandaan ninyo: ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa kung magkano ang nakalagay sa payslip mo, kung magkano ang laman ng bank accounts mo, sa halaga ng bahay, lupa at sasakyan o sa negosyong naipundar mo. Masusukat ito kung paano ninyo nalagpasan ang mga pagsubok sa pagkamit ng mga pangarap, kung paano ninyo nakayanang suungin lahat ng hirap at problema sa pagtahak ng buhay. Puwedeng hindi singtaas ng iba ang naabot ng saranggola mo at hindi ganoon kalalim ang epekto ng nagawa mo sa komunidad, pero alam mong may nabago ka. Alam mong masaya ka sa ginawa at ginagawa mo. Masaya ka dahil may natutulungan ka kahit sa maliit na paraan.
            Mga minamahal na magsisitapos sa araw na ito, ang inyong pag-aaral at paglagi sa unibersidad na ito ay nagsilbing isang magandang paglalakbay, puspos ng mga karanasang nagpabago sa inyo na nagdulot sa inyo ng ibayong karunungan. At sa pagtahak ninyo ng panibagong yugto bilang mga propesyonal, huwag ninyo sanang kalilimutang patuloy na magpasalamat sa lahat ng mga tumulong, sumuporta at gumabay sa inyo. Nasisiguro kong hindi ipinapangako ng Diyos ang isang kumportableng biyahe sa buhay ninyo, pero alam kong naroroon ang Diyos upang kayo ay magkaroon ng ligtas at masayang pagdating sa nais ninyong makamit sa buhay.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento