Biyernes, Marso 3, 2017

Homiliya para sa Ika-50 Taong Anibersaryo ng Kasal

Ang pagtitipon natin sa pagdiriwang ng Banal na Misang ito ay isang selebrasyon ng kagandahan at kasiyahan ng buhay at bokasyon sa pag-aasawa. Ang mga nagdiriwang ngayon ng kanilang ikalimampung taong anibersaryo bilang mag-asawa ay mga buhay na patunay na sa kabila ng mga pagsubok at kahinaan nila bilang tao ay ipinakita nila na hindi lamang isang  posibilidad ang pagiging tapat, kundi ito rin ay lubhang makahulugan at makabuluhan. Posible pa rin sa mag-asawa ang maging tapat sa sumpaan nila limampung taon na ang nakakalipas, ang sumpaan nilang sila ay magmamahalan sa hirap man o ginhawa, sa dusa at kaligayahan, magpakailanman, hanggang kamatayan.
            Mahal kayo ng Diyos bago pa man ninyo minahal ang isa’t isa. Nanay, minahal na kayo ng Diyos bago pa man nangharana sa inyo si Tatay. Tatay, minahal na kayo ng Diyos bago pa man kayo nag-igib ng tubig para kay Nanay. Nanay, tatay, minahal na kayo ng Diyos bago pa man kayo naging mag-asawa. At ang inyong buhay bilang mag-asawa ay isang napakagandang larawan ng pag-ibig ng Diyos. Sinasalamin ninyo ang pag-ibig ng Diyos: tapat, mabunga at walang hanggan. Hindi lingid sa aming kaalaman na maraming pagsubok na ang nagtangkang sumira sa inyong pagsasama. Alam naming maraming suliranin ang inyong hinarap bilang mag-asawa. Pero higit pa sa anumang pagsubok o suliranin, naroroon ang pag-ibig ng Diyos sa inyong dalawa. Ang mahalaga ay hindi kayo nakalimot na ang Diyos na ito ang Siyang nag-uugnay sa inyong pagsasama, na Siya ang pundasyon ng inyong buhay bilang mag-asawa. Marami na kayong hinarap at sinuong sa buhay. Maraming mga unos ang dumating. Pero inyong napagtanto na hindi pala ito mahalaga sa inyo. Hindi. Kundi ang taong katabi ninyo sa pagtulog habang humihilik, ang taong nakakaalitan ninyo ngunit sa huli ay siya ring mamahalin ninyo, ang taong nakasalo ninyo sa bawat pagkain ninyo, simple man o magarbo. Ang lahat ng mga ito ay nagpapaalala sa inyong kayo ay buhay. Na kayo ay minamahal. Na kayo ay nagmamahal. Sabi nga ni San Pablo: Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at mapagtiis hanggang wakas. Mahal ninyo ang isa’t isa, ngunit higit pa riyan ang pagmamahal Niya sa inyo.
            Pinapasalamatan kayo ng Diyos sa araw na ito. Marahil ay iniisip niyo na “Baligtad yata ang sinabi ni Father.” Ang mag-asawa yata ang dapat magpasalamat sa Diyos. Oo, ang Misang ito ay ang inyong pagpapasalamat sa Diyos. Pero sa sandaling ito, nais din marahil ng Diyos na pasalamatan kayong dalawa. Dahil sa mundong ito na puno ng pagdududa at alinlangan, ipinakita ninyo kung ano ang mukha ng isang masayang pagsasama bilang mag-asawa. Nanay, tatay, maraming salamat sa pagpapatunay ninyong may forever. Sa ilang sandali lamang ay muli ninyong sasariwain ang inyong sumpaan limampung taon na ang nakakalipas. Ngunit alam kong ito ay sinariwa na ninyo, at patuloy na sinasariwa araw-araw sa buhay ninyong mag-asawa. Kung mayroon mang sikreto sa matagal ninyong pagsasama, iyon na marahil ang sagot. Ito ay ang inyong pangakong mamahalin at aalagaan ang isa’t isa hindi lamang noong araw na ikasal kayo, noong maganda ang suot ni Nanay habang may dalang bulaklak, noong araw na maganda si Nanay at makisig si Tatay, kundi araw-araw ng inyong buhay. Iyon ang inyong pangako sa isa’t isa, na inyong tinutupad at sinasariwa araw-araw. Bawat umaga. Bawat gabi. Sa loob ng kalahating siglo.

            Mahirap gumawa ng homiliya para sa ganitong okasyon. Ano pa nga ba ang maaaring sabihin ng isang pari tungkol sa buhay mag-asawa na hindi pa ninyo nalalaman? Alam kong alam na ninyo, eh sa haba ba naman ng pinagsamahan ninyo bilang mag-asawa. Ngunit naririto ngayon ang pinakamagandang homiliya tungkol sa inyong ikalimampung taong anibersaryo: naririto sila sa mga upuan ng simbahang ito. Makikita ito sa inyong mga anak na inaruga at minahal ninyo, sa mga anak ng mga anak ninyo na natutunan kung paano maging mabuting magulang mula sa inyo, sa mga kaibigang nakikibahagi sa inyong kagalakan. Higit sa lahat, ang pinakamagandang homiliya para sa inyo ay ang pananampalataya at pagmamahal na inyong taglay na nagdala sa inyo sa araw na ito, ang inyong pagmamahal sa Diyos na nagmamahal sa inyo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento