Linggo, Marso 5, 2017

Homiliya para sa Sakramento ng Kasal

Tayong mga Pilipino, aminin man natin o hindi, ay mahilig sa mga souvenirs. Kapag nakapunta tayo sa isang lugar na hindi pa natin napuntahan, siguradong hahanap at hahanap tayo ng bagay na maaari nating gawing souvenir o paalala na minsan sa buhay natin ay nakapunta tayo sa lugar na iyon. Ang araw na ito, (lalaki) at (babae), ay magsisilbing pinakadakilang souvenir, pinakamagandang paalala ng Diyos sa inyong dalawa, sa aming sumasaksi ngayon, at sa buong Simbahan.
            Una, ang araw na ito ay paalala ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang Simbahan. Sa sandaling ito, marahil ay walang pagsidlan ng tuwa at galak ang dalawang magkasintahang ito na sa kaunting sandali lamang mula ngayon ay pag-iisahin ng Diyos bilang mag-asawa habambuhay. But today’s celebration of the sacrament of matrimony is not just about your love for each other, but it is primarily the overflowing love of God for us, His beloved Church. Oo, lahat tayo rito, ang inyong mga pamilya at mga kaibigan at lalo na sa inyong dalawa ay lubhang nagagalak sa sandaling ito. Alam kong pinaghandaan, pinag-ipunan, pinaglaanan ng panahon, pinagpuyatan, pinagsikapan at pinangarap ninyo ang araw na ito. Tunay ngang ang araw na ito ay habambuhay ninyong babalikan sa inyong magkasamang pagtanda. Minahal kayo ng inyong mga magulang, ng inyong mga kaibigan na naririto upang saksihan ang inyong pag-iisang-dibdib. Higit sa lahat, ang Diyos ang unang nagmahal sa inyong dalawa bago pa man ninyo makilala at mahalin ang isa’t isa. At sa araw na ito, kayo ay magiging mga buhay na paalala ng walang hanggang pagmamahal ng Diyos sa ating lahat. You love each other, but remember that God loved you first.
            Ikalawa, ang araw na ito ay paalala ng pagiging mapagbigay ng Diyos. One can give without loving, but he/she cannot love without giving. Napakasarap balikan ang unang sandaling nagkita at nagkakilala kayong dalawa, ‘di ba? Napakasarap sa pakiramdam ng ­in love. Lalo na sa iyo (lalaki), noong araw na pumayag si (babae) na manligaw ka sa kanya. Nadoble ang kasiyahang nadarama mo noong ibinigay niya ang kanyang matamis na “oo” sa iyo. At sa araw na ito, magbibigayan kayo ng “oo” sa isa’t isa bilang sangla at tanda ng inyong kagustuhan na ibigay ang inyong sa sarili sa isa’t isa, ang inyong pag-ibig, katapatan, pangakong pagsisilbihan ang isa’t isa, ang magkabalikat na pag-aaruga at pagpapalaki ng inyong mga magiging anak bilang mga mabubuting Kristiyano. Ang masayang pagsasama ninyong dalawa ay nakasalalay sa kagustuhan ninyong magbigayan, ng panahon, atensiyon, pagmamahal at katapatan. (Lalaki), siyempre huwag mo ring kakalimutang ibigay ang iyong sweldo sa iyong asawa. Ngunit kailanman ay hindi ninyo mahihigitan ang kagandahang-loob ng Diyos sa inyong dalawa. Siya, at tanging Siya lamang, ang pinakadakilang Tagapagbigay sa inyo sapagkat ipinagkaloob Niya sa iyo (lalaki) si (babae), at ikaw (babae) si (lalaki). Ingatan at mahalin ninyo ang bawat isa sapagkat kayo’y ipinagkaloob at ibinigay ng Diyos sa bawat isa.
            At panghuli, ang araw na ito ay paalala ng katapatan ng Diyos. Falling in love may be easy, but staying in love and loyal is another story. Madali lang ang ma-in love, ang manligaw, ang magpakasal. Ngunit isang malaking hamon sa inyong dalawa ang maging tapat sa isa’t isa. Maraming pagsubok ang inyong haharapin. Maraming problema ang maaaring makaapekto sa inyong pagsasama bilang mag-asawa. At hindi lingid sa inyong kaalaman na maraming mga mag-asawa ang hindi nanatiling tapat sa kanilang pagsasama na nagbunga ng pag-aaway at kalaunan ay humantong sa paghihiwalay. Kung dumating man sa puntong parang gusto ninyong pagtaksilan ang iyong asawa, alalahanin ninyo ang suot ninyong singsing, ang siyang tanda ng inyong katapatan sa isa’t isa. Alalahanin ninyo ang araw na ito na kung saan sa harap ng Diyos at ng Kanyang sambayanan, kayo ay nangakong magiging tapat. At kung wala pa ring epekto ito, tingnan ninyo si Jesus na nakapako sa krus. Ang Panginoong nakabayubay sa krus ang pinakadakila at pinakakonkretong tanda at alaala ng katapatan ng Diyos sa atin. Kayo man ay patuloy na pinaaalalahanan ng Panginoon upang patuloy na magmahalan at maging tapat sa isa’t isa.
            Sa inyong pagsasama bilang mag-asawa mula sa araw na ito, nawa’y panatilihin ninyo ang pagmamahal, katapatan, pagbibigayan, kababaang-loob at pagpapatawad. Maaaring hindi magiging madali ang inyong hinaharap. Manatili kayo sa isa’t isa. Manatili kayo sa Diyos. Gawin nawa ninyong sentro ang Diyos sa inyong pagsasama. Hanggang sa inyong pagtanda, sana ay maging mga buhay kayong paalala ng Diyos ng Kanyang pagmamahal, kagandahang-loob at katapatan.

1 komento: