Ipinagmamalaki
nating mga Pilipino sa buong mundo na tayo ay ang tanging Kristiyanong bansa sa
buong Asya. Ayon sa istatistika, 86% ng kabuuang bilang ng populasyon ng
Pilipinas ay mga Katoliko! Sa taong 2021 ay masaya nating ipagdiriwang ang
ika-500 taong anibersaryo ng pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Ang
pagdating ng mga dayuhang mananakop ay mayroong nakatagong biyayang dala: ang
biyaya ng pananampalatayang Kristiyano.
Ang pagiging Kristiyano ay isang
malaking pagpapala at grasya ng Diyos. Bilang pagpapala at grasya, ang pagiging
Kristiyano ay nangangahulugang ang pagkukusa ng Diyos na ibahagi ang Kanyang
buhay at kabanalan sa atin. Ipinagkaloob ng Ama si Jesus upang tayo ay
makabalik sa dapat at tunay nating relasyon sa Diyos bilang mga anak Niya. Noong
tayo ay biniyagan, tayo ay nakibahagi sa buhay ng Diyos at naging miyembro ng
Kanyang sambayanang nailigtas at ginawang banal ng Kanyang Anak na Panginoon
nating Jesukristo sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at maluwalhating
pagkabuhay muli. Bilang tugon sa panawagan at pagkukusang ito ng Diyos, tayo ay
hinahamon na sumunod sa mga halimbawa at mga pagpapahalaga ni Jesus.
Ayon sa tweet ng ating minamahal na Santo Papa Francisco noong bumisita
siya sa ating bansa, ang Pilipinas ay ang patunay ng kabataan at kasiglahan ng
Simbahan. Ngunit nakalulungkot mang isipin, hindi natin maitatanggi na ang
Kristiyanismo sa Pilipinas ay nahaharap sa marami at mabibigat na hamon. Oo,
karamihan nga sa kabuuang populasyon ng bansa ay mga Katoliko, ngunit tanging
15-20% lamang sa mga ito ang regular na nagsisimba tuwing Linggo. Hindi nga
legal sa ating bansa ang diborsyo at aborsyon, ngunit parami ng parami ang mga
mag-asawang Katoliko na naghihiwalay at nagpapalaglag. Konserbatibo pa rin ang
ating pananaw, ngunit tila ba nagiging katanggap-tanggap na sa lipunan ang premarital at extramarital sex. Karamihan sa mga pulitikong nasa pamahalaan na
dawit sa korapsyon at pandarambong ay mga Katoliko. Maraming mga Katolikong
mag-asawa ay nagsasama ng hindi ikinasal sa simbahan. Maraming mga Katoliko ang
hindi na nangungumpisal.
Ganito na ba ang isang Kristiyanong
Pilipino? Nakalimutan na ba natin ang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa atin
na maging mga Kristiyano o sadyang tayo ay nadadala na ng agos ng sekularismo,
komersyalismo at kawalan ng pagpapahalaga?
Ano ngayon ang hamon sa atin upang
makita nating muli na ang pagiging Kristiyano ay isang biyaya? Ang mga sumusunod,
na marami nito ay hindi makita sa buhay ng maraming mga Katoliko sa kasalukuyan,
ay dapat na maging layunin natin: magkaroon ng malalim at malapit na ugnayan sa
Diyos, pagkakaroon ng kagustuhang mamuhay sa kabanalan, payabungin ang
buhay-panalangin, basahin at isabuhay ang Banal na Kasulatan, maging tapat sa
estado ng buhay, mag-asawa man o sa mga kaparian, pagbabahagi ng ating
pananampalataya sa iba, paglilingkod at pagkakawanggawa sa mga kapus-palad.
Makita natin sana muli ang
kagandahan, kadakilaan at kabanalan ng biyayang dulot nga ating pagiging
Kristiyano. Tayo ay nahaharap sa mapanghamong panahon ngayon sa buhay at misyon
ng Simbahan. Tayo ay may makapropetang misyon upang magsilbing tanglaw sa mga
karatig na bansa. Ano man ang mangyari sa ating bansa at Simbahan ay may
malaking epekto sa maaaring mangyari sa buong mundo. Mga kapatid, gumising na
tayo sa ating pagkakahimbing! Bumangon tayong muli at ipakita sa lahat ang
kadakilaan ng biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos, ang biyaya ng pagiging
Kristiyano.